2782, 2670 o Kung Paanong Nagunaw ang Mundo Ko Nung Nalaman Kong Nagwalk Out Sa Monday Night Raw si CM Punk Pagkatapos ng Royal Rumble

2782, 2670 o Kung Paanong Nagunaw ang Mundo Ko Nung Nalaman Kong Nagwalk Out Sa Monday Night Raw si CM Punk Pagkatapos ng Royal Rumble

 

Tuwing umaga. Tuwing naghahanda pa lang ang araw na sumikat sa bandang kaliwa bintana kong ikinulong ng rehas - kung para ikulong ang nasa loob o hindi hayaang makapasok ang nasa labas, hindi ko alam. Basta, tuwing pagkamulat ng mga mata ko, iyon ang una kong inaabangan.

 

May balita na ba? Sapat na kaya ang kung ano mang mapag-usapan para bumalik s’ya. Insulto ata ang offer ni Vince. Ang pinakamakapangyarihang nilalang sa balat ng wrestling. Hindi pwede to, ang sabi ko. Hindi s’ya pwedeng hindi umoo. Pero hindi. Hindi s’ya umoo. Pero may pag-asa pa. Under contract s’ya hanggang July. May WrestleMania, may Raw in Chicago. Nasa WWE pa si AJ Lee. May pag-asa pa. 

 

Samantala, nagkasya akong nanunuod sa mga kagaya ng mga nakakasawa at paulit-ulit na gaya nila John Cena at Triple H. Buti na lang nandyan si Daniel Brian, Wyatt Family at The Shield. 

 

Pero hindi katanggap-tanggap ang tinalikuran n’ya. Si CM Punk. Ang voice of the voiceless. Ang pasimuno ng pipebomb. Ang best in the world. Pero wala na s’ya. Nag Hall of Fame Induction. Nag WrestleMania. Namatay si Ultimate Warrior. Walang CM Punk. E tangina naman e. Sinong gagong tatalikod sa isang napakagandang kontrata? Hindi ko pa din matanggap. Pero unti-unti, nabawasan ang pag-aabang ko. Unti-unti, natanggap ko ang posibilidad na baka hindi na talaga s’ya babalik. Sa isang guesting, ginamit n’ya ang totoong pangalan n’ya. Phil Brooks. Hindi na s’ya si CM Punk. S’ya si Phil Brooks. 

 

Naalala ko yung Fight Club. Nung namatay yung character ni Meatloaf at pinalilibutan s’ya ng mga members ng Project Mayhem habang paulit-ulit na sinasabing, “His name is Robert Paulson. His name is Robert Paulson. His name is Robert Paulson” Wala na si CM Punk. 

 

Sa Stargirl, naalala ko yung panahong naubos ang mga bato sa happy wagon. Hindi na s’ya masaya. Ganun lang kasimple. Ganun lang. Hindi na s’ya masaya. 

 

Minsan, sinisilip ko pa din kung anong balita. Baka sakaling lumipat s’ya ng TNA. Puta, walang kwenta. Pero mas ok na siguro kung ganun. At least meron pang CM Punk. Pero hanggang ngayon, wala pa din. At wala ka namang pwedeng sisihin. Ang taong pagod, dapat magpahinga. Ang taong hindi masaya, maghahanap ng kaligayahan sa ibang lugar. 

 

Kaya ako, eto ngayon. Nagbibilang ng mga araw. Ng mga linggo. Ng mga buwan. Di pa naman ganun katagal. Pero parang sampung libong porty nayn years na. Daig pa ang pila sa parking sa Megamall tuwing payday weekend. Bihira na kong mag-abang. Pero hindi ibig sabihing di ko na na-iisip. At paulit-ulit kong sinasabi, “His name is Phil Brooks. His name is Phil Brooks. His name is Phil Brooks.” 

2034

Puti at de-kolor lang ang dating pinaghihiwalay natin. Akala ko hindi ako masasaktan.

Pahaba ng pahaba ang mga gabi at ayaw na n’ya sa akin

Paiksi ng paiksi ang mga araw at ayaw na n’ya sa akin

Hindi tumigil ang ulan mula ng sinabi n’ya at ayaw na n’ya sa akin

Dungaw lang ang saysay ng araw sa sampung libong habang buhay na pagbaha at ayaw na n’ya sa akin.

Magnanakaw s’yang pumasok at lumabas ng nag-iwan ng bundok ng mga alaala

At ng ako’y maubos na, ayaw na n’ya sa akin.

Pinid ang pintong iniwan kong nagbabakasakali sa isang himala at ayaw na n’ya sa akin.

Tinik ang mga umagang paggising at ayaw na n’ya sa akin.

Bilang pa ang mga araw at lingong ayaw na n’ya sa akin

Pero kung ilang habang buhay na ang naubos kong ipinagluluksa na ayaw na n’ya sa akin

Lunod ako ng alinlangan sa mga panahong naaalala kong ayaw na n’ya sa akin

Paskil sa mga bubong ang katotohanang ayaw na n’ya sa akin.

Gabi-gabi ang pagpanaw at uma-umagang paggising sa alaalang ayaw na n’ya sa akin. 

At ang lahat ay walang saysay. Maski ang tula.

Dahil ayaw na n’ya sa akin.